Ang bansang lumalaban at nag-aasam ng kaunlaran, hawak ay sandata na nagbubuklod at nagbibigkis sa mga mamamayan. Natatangi itong pananggalang sa anumang hamon, sigalot at hindi pagkakaunawaan. Susi ito na magbubukas sa mas matiwasay na pagkamit ng mga layunin at pangarap. Higit sa lahat, daan ito para paigtingin at pagbuklurin ang lahing Pilipino. Wikang Filipino.... tatak ng lahi, daan sa pagkakaisa.
Ang pagkanlong ng sambayanan sa sariling wika ay sadyang mahalaga at tanging bahagi ng buhay-Pilipino noon, ngayon at bukas.
Nang sinimulan ang paggamit ng wikang Filipino nabuhay ang sibilisasyon. Nang lumaon, ginising nito ang pagkamakabayan ng bawat isa na nag-udyok ng mas malalim na pagkakaunawaan at pagtutulungan. At sa huli, nangibabaw ang pusong Pilipino at umapaw ang pagkakaisa. Naging sandigan ito ng pagtutulungan na naging tulay ng kaunlaran hindi lamang sa pang-araw-araw na buhay kundi sa kulturang kinagisnan.
Sa kasalukuyan, tuloy pa rin ang pagtaguyod ng tatak ng ating lahi. Wala pa ring katapusan ang pagpapayaman sa wikang Filipino. Masidhing pinapalaganap ang pagmamahal sa wika. Maraming programa ang ating pamunuan para paunlarin ang ating wika. Mahigpit na ipinapatupad ang wikang Filipino bilang midyum sa iba't ibang uri ng pakikipagtalastasan. Mahusay itong paraan para maunawaan ang isa't isa para sa mas mabisa at epektibong komunikasyon. Ang paggamit ng ating pinakamataas na pinuno ng wikang Filipino sa kanyang mga talumpati at anunsiyo ay kapuri-puri. Maituturing itong matatag na tulay para maiparating sa bawat Pilipino ang kanyang puso at saloobin tungo sa mas mataas na antas ng pagkakaisa
Sa inaasam-asam na maningning na bukas, pagkakaunawaan, at pagkakaisa, wikang Filipino pa rin ang kasagutan. Ang patuloy na pagtangkilik ng tatak ng lahi ang magpapausbong ng tunay na kapayapaan.
Ang mahigpit na pagyakap nito ang magbibigay liwanag sa madilim na sulok. Ito ang gagabay sa ating mga puso't isipan na puno ng agam-agam at alinlangan. Wikang Filipino ang magtutulak sa bawat isa para lumaban at harapin ang mga matitinding hamon. Matibay itong instrumento para sa mas mahigpit na hawak-kamay habang tinatahak ang lakbay ng buhay. Ang pagbibigay-halaga nito sa ating kandungan ang magpapalaya mula sa tanikalang gumagapos sapuso't isipan.
No comments:
Post a Comment